Nakatanggap kamakailan ng bakuna kontra COVID-19 ang isang panibagong grupo ng mga medical worker sa Navotas City.
Nasa kabuuang 77 health worker na nakatalaga sa isolation facilities ng lungsod, barangay health centers, at sa city health department ang nakatanggap ng kanilang unang dose ng CoronaVac, ang COVID-19 vaccine mula sa Sinovac ng China.
“Dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa, kinakailangan pong mabakunahan sa lalong madaling panahon ang ating mga frontliners at most vulnerable groups tulad ng ating mga senior citizen. Gusto po natin silang maprotektahan, at ang lahat ng ating mamamayan, mula sa banta ng nakamamatay na sakit,” ani Mayor Toby Tiangco.
“Nabasa namin ang mga ulat tungkol sa mga ospital na umaabot sa kanilang full capacity. Ang ating Navotas City Hospital ay 86 percent full na ngayon. Ganun din sa ating dalawang community isolation facilities. Anuman ang maaari nating gawin upang matulungan na mapabagal ang transmission ay gawin natin ito. Sundin natin ang safety protocols at maging responsable para sa ating kalusugan,” dagdag niya.
Inuulit din ni Tiangco ang kanyang panawagan sa mga Navoteños na magparehistro para sa NavoBakuna COVID-19 vaccination program sa http://covax.navotas.gov.ph.
As of March 19, umabot na sa 459 health workers sa Navotas ang nabakunahan na, habang ang 400 pa ay mai-inoculate sa susunod na linggo.