Babae, timbog sa pagkuha ng pera sa “money transfer company” gamit ang mga pekeng ID

LAGPAK sa selda ang isang 26-anyos na babaeng paulit-ulit nang nakakuha ng “maternity benefits” sa iba’t-ibang branch ng isang “money transfer company” matapos itong mahulog sa kamay ng mga pulis sa Valenzuela City.

Ang naarestong suspek ay kinilala ni Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr. bilang si Joan Esteban, residente ng Tangos North, Navotas City.

Ayon kay PLt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation Unit, si Esteban ay kumuha ng Social Security System (SSS) “maternity benefits” sa MLhuillier money transfer, Malanday branch na nagkakahalaga ng P27,296 gamit ang police clearance at barangay ID na nakapangalan sa isang “Allyssa.”

Ayon sa pahayag sa pulisya ng isang empleyado ng nabiktimang kumpanya, makailang ulit nang nabiktima ang iba’t-ibang mga money transfer company gamit ang kaparehong modus.

Inalarma na po kami ng company sa lahat ng branch namin dahil ilang beses na pong may ibang taong nakakapag-claim ng SSS maternity benefits, natuklasan po namin nang mag-claim na po ang mga tunay na may ari,” ayon sa empleyado.

Naka-red alert na po sa amin ang babaeng yan, may mga pictures na po siya na nakakalat sa mga branch namin kaya nung nagke-claim po siya sa amin, pinatanggal ko po yung face mask niya dahil sabi ko kukunan po sya ng picture dahil SOP (standard operating procedure) naman po sa amin yun kapag may nagke-claim. Nung napicturan na po sya, nag-compare po ako at nakumpirma ko nga po na siya yun,” dagdag ng empleyado.

Kaagad silang humingi ng tulong kay PLt. Armando Delima, hepe ng Substation-6 na nagresulta sa pagkakaaresto kay Esteban matapos tanggapin ang pera.

Ayon kay PCpl. Marife Batu at PMSgt. Michael Calora, narekober sa suspek ang halagang P27,296, Caloocan City police clearance ID at Barangay ID na kapwa nakapangalan sa isang Allyssa, company ID na nakapangalan sa suspek, at isang cellular phone.

Napag-alaman pa ng pulisya na nakakuha na ang suspek ng halagang P55,246 sa Navotas branch noong July 27, 2022; P41,800 sa Sangandaan, Caloocan branch noong September 16, 2022, at P37,796 sa Mabini, Caloocan branch.

Ayon naman kay Col. Destura, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa kasong ito at inaalam na nila kung may mga kasama pa si Esteban sa kanyang modus at nananawagan din siya sa iba pang mga money transfer companies na nabiktima ng ganitong modus na magsadya lang sa Valenzuela police.

Nahaharap ang suspek sa kasong Estafa through Falsification of Public Documents at paglabag sa Revised Penal Code Article 178 (Using fictitious name and concealing true name).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.