Apat na wanted na puganteng South Korean, inaresto ng BI

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na puganteng South Korean na wanted ng awtoridad sa Seoul dahil sa serious crimes.

 Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang mga dayuhan ay inaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa Metro Manila at Pampanga.

 “We are in the midst of an intensified campaign to flush out these wanted foreigners who are using the country as a refuge to elude arrest and prosecution for crimes they committed in their homeland,” ayon kay Tansingco.

Inaresto sa San Antonio Village, Pasig City si Chun Junghoon, 39 anyos, na pinaghahanap na ng kagawaran simula pa noong 2020 matapos maglabas ng deportation order ang Board of Commissioners ng BI.

Si Chun ay inisyuhan ng arrest warrant ng Busan district court noong Enero 2020 matapos na nambiktima ng mahigit 3 million won o US$3,000 sa pamamagitan ng voice phishing.

Sumunod naman na inaresto ng mga ahente ng FSU si Kim Jingsuk, 44 anyos, sa Bgy. Anonas, Angeles City, Pampanga dahil sa paglustay ng 367 million won, o katumbas ng US$300,000 ng kanyang employer dahil sa ilegal na pagbebenta ng 1,300 tonelada ng imported coal mula Russia.

Inaresto rin sa Pampanga si Park Geon Jin, 34 anyos, na wanted sa Seoul Seobu District Court sa South Korea. Si Park ay miyembro di-umano ng isang voice phishing organization na nakapanloko ng mahigit 7.65 million won o halos US$6,000.

Sa Angeles City naman naaresto si Park Kyoungtae, 40 anyos, na wanted din sa Busan dahil sa illegal na pag-ooperate ng gambling website simula pa noong 2020.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.