Labis ang pagkadismaya ng isang street vendor matapos na mabigong makuha ang P8,000 na second wave ng Social Amelioration Program (SAP) dahil may ibang tao na kumubra nito para sa kanya.
Ayon sa salaysay ni Dolores dela Cruz, residente ng Sta. Cruz, Maynila, nakatanggap siya ng text message mula sa Dragonpay na maari na niyang kunin ang 7,950 sa anumang branch ng kilalang money remittances at kailangan lang niya dalhin ang SAP form na may bar code.
Gayunman, ikinagulat ng ginang pagdating niya sa isang money remittances store sa Sampaloc Branch ay sinabihan siya na may ibang may ari ng reference number na para sa kanya at nakuha na umano ang cash.
Ipinagtataka ng ginang kung bakit ito ibinigay sa iba samantalang siya ang nakatanggap ng text message at dala pa niya ang SAP form na magpapatunay na siya ang beneficiary.
Nabatid na bukod kay dela Cruz ay mayroon pang isang beneficiary na hindi rin nakuha ang cash aid dahil nakuha na rin ito ng iba.
Tumanggi naman ang pamunuan ng nasabing money remittances na ibigay ang pagkakilanlan ng tao na kumubra ng cash dahil confidential umano ito…(Jonah Aure)