Anim na BoC officials sa Subic, sinibak dahil sa imbestigasyon ng sugar smuggling 

ANIM na opisyal ng Bureau of Customs (BoC) Port of Subic ang sinibak sa kanilang puwesto habang iniimbestigahan ang umano’y smuggling ng asukal sa nasabing port.

Agosto 18 nang nagkaroon ng pagtatangka sa Port of Subic na ipuslit ang nasa 140,000 sako ng imported na asukal mula sa Thailand, na katumbas ng 7,000 metriko tonelada.

Ang inisyal na pagsisiyasat na isinagawa ng BoC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ay nagpahiwatig na ang inangkat na asukal ay gumamit ng “recycled permit,” ibig sabihin ay isang import permit na ginamit na sa isang lumang alokasyon ng asukal.

Sa Office Order na may petsang Agosto 22, inalis ni Acting BoC Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang anim na opisyal ng Port of Subic at “pansamantalang inilipat sa Office of the Commissioner” habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa umano’y smuggling ng asukal mula sa Thailand.

Kabilang sa mga sinibak sina Maritess Theodossis Martin, district collector; Maita Sering Acevedo, deputy collector for assessment; Giovanni Ferdinand Aguillon Leynes, deputy collector for operations; Belinda Fernando Lim, chief of assessment division; Vincent Mark Solamin Malasmas, Enforcement Security Service (ESS) commander; at Justice Roman Silvoza Geli, CIIS supervisor.

Uupo naman bilang pansamantalang Oficer-in-Charge sa Port of Subic si Atty. Willie Sarmiento na dating nakatalaga sa CIIS-Internal Inquiry and Prosecution Division (IIPD) at naging Port of Subic Division head.

Napag-alamang may karga ang cargo vessel na MV Bangpakaew ng 7,021 metric tons ng Thailand white refined sugar na katumbas ng 140,000 bags at may kabuuang bayad sa buwis na nagkakahalaga ng P45,623,007.51.

Ang inisyal na pagsisiyasat ay nagpakita na ang consignee ng smuggled na asukal ay ang Oro-Agritrade Inc. sa ilalim ng account ng ARC Refreshments Corp. sa ilalim ng Entry Nos. C-12513 at C-12521.

Ang Thai exporter ay nakalista bilang Ruamkamlarp Export Co. Ltd. habang ang lokal na customs broker ay kinilala bilang si Malou Leynes Buerano.

Iniulat ng BoC-CIIS na ang kargamento ay sakop ng “Special Permit to Discharge (SPD) at Verified Single Administrative Document (SAD)” mula sa BoC at may verified clearance mula sa Sugar Regulatory Administration sa pamamagitan ng isang Mr. Rondell Manjarres.

Kaugnay nito, hindi na nagpaunlak pa ng interview si Ruiz habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa naturang isyu.

We do not grant interviews as of this time while the investigation is ongoing. Please allow us to do our investigation properly, sincerely, and in silence.” ayon kay Ruiz 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.