SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na hindi umano maaksyunan ang mahigit 1,000 na reklamo tungkol sa “vote buying” na idinulog sa Task Force Kontra-Bigay na binubuo ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa walang tumatayong testigo at ebidensya na magpapatunay sa alegasyon.
Ayon kay Comelec Commissioner Imee Ferolino, karamihan sa nagsumbong ng insidente ng vote buying ay takot tumestigo o di kaya ay walang testigo o ebidensya.
Ayon kay Ferolino, karamihan sa sumbong ay nagpadala lamang umano ng mga “vote-buying” video subalit walang kalakip na impormasyon kung saan at sinong kandidato ang nasa likod ng aktibidad.
May 49 sa mga reklamo ang nasala dahil sa may mga kalakip na ebidensya na masusing iniimbestigahan ng nasabing task force.
Para naman sa Law Department ng Comelec, higit sa 80 reklamo na ang kanilang natanggap at 73 sa mga ito ay ukol sa “vote buying” mula pa noong Pebrero 9.
Sa 73 sumbong ng “vote buying,” 52 na ang inaksyunan, 12 ang nasa docket, at ang iba ay isinasailalim pa sa ebalwasyon.
Maging ang posibilidad na “vote buying” sa Surigao del Sur ay iniimbestigahan na rin makaraan ang napabalitang malaking pagtaas sa bentahan ng mobile phone na naitala matapos ang mismong araw ng halalan.
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa National Telecommunications Commission (NTC) upang mabatid kung may impormasyon ang ahensya ukol sa nasabing malaking bentahan ng mga mobile phone.