HINDI bababa sa siyam na lokal na pamahalaan sa bansa ang tinukoy ng UP OCTA Research Group na itinuturing na high-risk areas sa COVID-19.
Ito ay dahil sa araw-araw na mataas na case load ng virus infection at ng tinatawag na attack rate gayundin sa high hospitalization occupancy.
Tinukoy ng OCTA Research ang mga lungsod ng Makati, Malabon at Baguio gayundin sa Itogon, Benget; Lucena, Quezon; Iloilo City; Catarman, Northern Samar; at Pagadian, Zamboanga del Sur.
Babala pa ng mga eksperto, posibleng maranasan sa mga susunod na linggo sa nabanggit na high risk areas ang hospital burden na makakaapekto sa health care systems at medical frontliners.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng research team ang LGUs na paigtingin pa ang testing, contact tracing, at isolation efforts nito upang mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19 sa kanilang komunidad.
Kailangan din anila na maging agresibo at gawing epektibo ang localized lockdowns pati na ang mahigpit na boarder control upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Muling ibinabala ng OCTA Research na bagamat pababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at sa National Capital Region posible pa ring tumaas ito kung magpapabaya sa pagpapaiiral ng minimum health standards ang gobyerno at publiko.
“We reiterate that the positive downward trends in the Philippines and in the NCR may be reversed… if the government, the private sector, and the public become less vigilant and complacent in the fight against COVID-19,” ayon pa sa grupo.