TILA nagsilbing “endorser” ng Filipino food si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang vlog, na labis namang ikinatuwa ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco.
Ayon kay Frasco, nakakatuwa na mismong ang Pangulo pa ng banssa ang nagpapatunay sa buong mundo kung gaano kasarap ang mga pagkain sa Pilipinas.
Tama rin aniya ang Pangulo sa pagsasabi na “ang pinakamagandang regalo sa bisita ay masarap na pagkain,” dagdag pa ni Frasco. “Food is the Filipinos’ language of Love. Katunayan, hindi kailangan na may okasyon o kapistahan dahil natural sa mga Pilipino ang ipagmalaki ang mga masasarap na pagkain na malaking bahagi ng ating kultura.”
Ayon kay Frasco, prayoridad ng DOT ang food o gastronomy tourism, na naaayon mismo sa National Tourism Development Plan 2023 to 2028 kaya naman maraming proyekto na ng DOT ang inilunsad alinsunod dito.
Bukod sa kakalunsad lamang na “Philippine Eatsperience Program” kung saan samu’t-saring pagkaing Pinoy ang matitikman sa murang halaga sa Luneta Park at Intramuros araw-araw, pinalalakas din ng DOT ang Halal food tourism para naman sa ating mga Muslim na bisita at mga turista.
Sa darating na Hunyo ay isasagawa naman ang kauna-unahang United Nations Tourism Regional Forum on Gastronomy Tourism for Asia and the Pacific sa Cebu sa pangunguna rin ng DOT.