HINDI naisalba ng kanilang ginamit na sirang refrigerator bilang balsa at nalunod ang tatlong bata at isang person with disability sa gitna ng pagbaha sa Barangay Dela Paz, Binan City sa Laguna.
Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga biktima na sina Mark Atienza, 22-anyos at may kapansanan; Angel Ingcomio, 15-anyos; Mary Ingcomio, 13-anyos at Jasmin Baguio, 6 na taong gulang.
Ayon sa ulat kay Police Lt.Col. Vanni Martinez, chief of police ng Biñan City, maghahatid sana si Atienza ng mga sinagutang modules sa eskuwelahan kasama ang mga bata nuong Lunes at sakay sila ng sirang refrigerator na ginawang improvised na bangka.
Gayunman, sinasabing lumalim ang baha na halos umabot na sa lagpas tatlong katao.
Posible umanong tinangkang sagipin ng mga bata ang kanilang kasama ngunit hindi na nila kinaya ang malakas na agos ng Laguna de Bay.
Martes na ng umaga nang matagpuan ng Binan City Risk Reduction and Management Office o BCRRMO ang mga nalunod na bata.
Hiniling na ng lokal na pamahaalang lungsod na laliman o isama sa dredging ang Laguna de Bay dahil sa mababaw na ito kaya’t madaming lugar sa paligid nito ang binabaha.