Isinailalim sa lockdown ang Navotas City Hall matapos magpositibo sa COVID-19 ang 24 kawani nito, ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, kabilang sa naka-lockdown ang Navotas City Hall Annex (kasama ang NavoServe) at Franchising Permits Processing Unit.
Nagsimula ang lockdown kahapon, Pebrero 23 at matatapos sa Linggo, Pebrero 28 ng 11:59 pm.
Ibig sabihin, wala munang transaksyon sa city hall tulad ng application/renewal ng business permit at pagbabayad ng amilyar (real estate tax), pati na ang pagkuha ng plaka ng mga tricycle at PUJ.
May mga papasok pa rin aniya na kawani pero para lamang ayusin ang suweldo ng mga empleyado, gawin ang mga proseso para sa pagbili ng mga kailangan para sa COVID-19 response, at pag-responde sa anumang emergency.
“Sa mga may babayaran na ang deadline ay sa 28 Pebrero 2021, huwag po kayong mag-alala. Hihilingin po natin sa Sanggunian na magpasa ng ordinansa ng extension ng pagbabayad hanggang 5 Marso 2021 nang walang penalty at surcharge,” ani Mayor Tiangco.
Unang inanunsyo na may mga kawani ng pamahalaang lungsod na nagpositibo sa COVID-19. Pina-isolate agad sila at pina-swab test ang kanilang close contacts.
Sumailalim din sa swab test ang lahat ng mga empleyado ng city hall, kahit hindi sila close contact at nagsasagawa rin ng general cleaning at disinfection tuwing 3-5 pm.
“May mga empleyado ng City Hall na hindi naman close contact ngunit nagpositive. Ibig sabihin, may mga tao sa komunidad na positibo ngunit hindi na-detect dahil wala silang sintomas. Kaya nakikiusap po kami na maging maingat ang lahat dahil talagang kumakalat ang virus,” paalala ng alkalde.