NASAGIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation- Bayombong District Office (NBI-BAYDO) ang 21 kababaihan habang naaresto naman ang dalawang bugaw sa isang operasyon ng Anti-Human Trafficking sa Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Nakilala ang dalawang suspek na sina Evangelina Torres at Analyn Estabillo.
Patuloy namang tinutugis ang isang Chiristopher Jun Pernada Domingo na naka eskapo.
Batay sa ulat na natanggap ni Atty. Medardo De Lemos, NBI Director, isang Sunrise Videoke Bar na umano’y pugad ng prostitusyon ang sinalakay ng NBI-BAYDO matapos umanong inguso ng isang impormante ang umano’y mga babae na nagtatrabaho bilang Guest Relations Officer (GRO) na nag aalok ng aliw sa halagang P1,500 hanggang 3,000.
Ikinasa naman ang survellaince sa lugar at nang nagpositibo ay agad na isinagawa ang operasyon kasama si Prosecutor Wendel Bautista ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) – Region ll at ng Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) – Nueva Vizcaya ngunit hindi na nadatnan ang may-ari ng si Domingo.
Dahil dito, nahaharap ang tatlong individual sa kasong paglabag sa R.A. 9208 o ang “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” na inamiyendahan ang R.A. 10364 at R.A. 11862.