NALIBING ng buhay ang dalawang obrero sa nangyaring pagdausdos ng lupa at matabunan ang kanilang bahay bunsod ng malakas na pag-uulan sa bayan ng Banaue sa probinsya ng Ifugao nitong Linggo.
Kapwa narekober ang labi ng mga biktima na nakilalang sina Ernesto Ceraos at Emiliano Lupais ng Barangay Kinakin pasado alas 3 ng madaling araw ng Lunes.
Ayon kay Police Corporal Paul Mar Magastino, imbestigador ng Banaue municipal police, natutulog ang mga biktima nang bigla silang matabunan ng gumuhong lupa hanggang sila ay tuluyang matabunan.
Naging sanhi ng insidente ang walang patid na pagbuhos ng ulan sa lugar noong araw ng Linggo.
Kasalukuyang sarado ang Kinakin section ng Banaue-Mayoyao border para bigyan daan ang clearing operations. Bukod rito, nag-collapse din ang isang bahagi ng retaining wall ng Kinakin Elementary school dahil din sa pag-uulan habang ang isang sasakyan na pag-aari ng principal sa katabing eskuwelahan ay nahulog sa may 100-talampakang lalim na bangin.